Dumating na sa New York ang Venezuelan President Nicolás Maduro matapos umano siyang arestuhin ng mga sundalong Amerikano sa kanyang tirahan sa Caracas.
Batay sa report isang puting FBI Boeing 757 ang lumapag sa Stewart Air National Guard Base bandang alas-4:30 ng hapon American time.
Makalipas ang ilang sandali, umakyat ang mga pulis sa eroplano. Pagkaraan ng humigit-kumulang 30 minuto, ilang indibidwal na pinaniniwalaang sina Maduro at kanyang asawa na si Cilia Flores, kasama ang ilang opisyal, ang namataan na unti-unting bumababa mula sa sasakyang panghimpapawid.
Ayon sa ulat, inaresto umano sina Maduro at Flores sa kabisera ng Venezuela noong Biyernes ng gabi at agad na inilipat sa Estados Unidos kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa drug trafficking.
Pinaniniwalaang unang dinala ang mag-asawa sa Puerto Rico bago tuluyang lumipad patungong New York City.
Namataan si Maduro at ang asawa nito na papasok sa isang eroplano sa Ramey Base, na matatagpuan sa loob ng Rafael Hernández International Airport sa Aguadilla.
Kinumpirma rin ng alkalde ng Aguadilla na si Julio Roldan sa social media na dumaan umano sa kanilang lungsod ang Venezuelan leader.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa pamahalaan ng Venezuela o ng Estados Unidos kaugnay sa naturang insidente.
















