-- Advertisements --

Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Vaccination Plan ‘Caduceus’ bilang paghahanda sa napipintong nationwide rollout ng bakuna laban sa Covid 19 sa mga darating na linggo.


Ayon kay PNP Chief PGen. Debold Sinas, nakapaloob sa plano ang security at public safety guidelines at mga hakbang na isasagawa ng PNP sa pagsuporta sa Philippine National COVID-19 Deployment and Vaccination Plan, bilang miyembro ng Task Group (TG) Vaccine Cold Chain and Logistics Management, Task Group Immunization Program, at Task Group Demand Generation and Communication.

Alinsunod sa plano, ang Police Regional Offices ay magbibigay ng seguridad sa pagdadala ng vaccine shipments mula sa storage hubs patungo sa mga vaccination centers.

Magtatatag din ang mga PRO ng Police Assistance Desks sa mga vaccination centers para hadlangan ang anumang pagsasamantala ng mga kriminal na elemento at terrorista.

Kasama din sa plano ang pagdedeploy ng PNP Medical at Nurse Corps, pati ang Medical reserve force ng PNP para tumulong sa mga magbabakuna.

Itinalaga ni Gen. Sinas si PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Covid Shield Commander PLt. Gen. Cesar Hawthorn Binag bilang overall supervisor ng Vaccination Plan “Caduceus.”

Naka-alerto din ang pwersa ng PNP sa sandaling magsimula na ang rollout ng mga Covid-19 vaccine.