Naghain ang Department of Energy (DOE) ng isang supplemental complaint para sa kasong estafa sa Taguig City Prosecutors’ Office laban kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste at dalawang dating opisyal ng Solar Philippines.
Ayon sa ahensya, ang hakbang na ito ay nag-uugat sa mga alegasyon ng panlilinlang at maling representasyon kaugnay ng napanalunang 1,350 megawatts ng solar capacity at 30 megawatts ng wind capacity sa ilalim ng unang Green Energy Auction Program.
Iginiit ni Energy Secretary Sharon Garin na nabigo ang grupo ni Leviste na maihatid at maipatupad ang mga nasabing proyekto sa itinakdang deadline noong Disyembre 25, 2025.
Lumabas din sa imbestigasyon ng DOE na mayroon umanong “negative equity” o mas malaki ang mga utang kaysa sa mga ari-arian ang ilan sa mga kompanya nang lumahok at kumuha ng mga kontrata, bagay na nag-alis sana sa kanila sa kwalipikasyon.
Inakusahan ng pamahalaan ang mga akusado na ginamit ang mga kontratang ito para sa tinatawag na “land-banking” o ang paghawak sa mga pampublikong konsesyon upang ilipat, i-restruktura, o ibenta sa iba sa halip na itayo ang mga pasilidad ng kuryente.
Dagdag pa ng DOE, ang hindi pagtupad sa mga proyektong ito ay nagdulot ng pinsala sa gobyerno at nag-ambag sa pagtaas ng presyo at gastusin sa kuryente na pasan ng mga ordinaryong konsyumer.
















