-- Advertisements --

Dumepensa ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagsisilbi ng law enforcers sa warrant of arrest laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, kumilos ang mga otoridad nang naaayon sa batas at hindi minadali ang pagsisilbi ng warrant.

Paliwanag ni Remulla, matapos lumabas ang warrant ay agad tinungo ng mga otoridad ang ospital na pinagdalhan kay Romualdez upang isilbi ito sa kaniya habang nakahiga sa hospital bed.

Binalikan din ni Remulla ang mga kaganapan sa naturang araw (June 7) kung saan naghintay pa muna ang isang team ng law enforcers sa mismong hospital ng opisyal na kopya ng warrant mula sa Sandiganbayan, bago pa tuluyang arestuhin ang dating House leader.

Nauna kasi aniyang dinala sa pagamutan ang mambabatas, ilang oras bago lumabas ang kaniyang warrant, ngunit dati na ring inaabangan ng mga otoridad ang pag-isyu ng korte, kaya’t binantayan na rin ang lokasyon ng dating House Speaker.

Hindi rin aniya maitatanggi ang posibilidad na dati nang inabangan o inasahan ng kampo ni Romualdez ang paglabas ng warrant laban sa kaniya.

Paglilinaw ni Remulla, hindi gumamit ng ‘balagbag’ na paraan ang kasalukuyang administrasyon sa pagsisilbi ng warrant, di tulad ng nakalipas na administrasyon, at sa halip ay sinunod lamang ang legal na proseso.