-- Advertisements --

Kumpiyansa ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na naging epektibo ang pagsasailalim ng Cebu City sa enhanced community quarantine (ECQ), kasunod ng ilang magagandang developments sa sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod.

Ayon kay Health Usec. Leopoldo Vega, bumaba na ang positivity rate ng Cebu City. May nakita na rin daw silang decreasing trend o pagbaba sa bilang ng mga namamatay sa mga confirmed cases.

“Effective ang ECQ dito sa Cebu (City) right now.”

Kasama ni Usec. Vega ang ilang opisyal ng pamahalaan sa pagtutok sa sitwasyon ng lungsod at natitirang bahagi ng lalawigan, na kamakailan ay nakitaan nang biglang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19.

“Nandito kami ngayon sa Cebu para matingnan talaga namin ang real situation, at para maka-adjust ang mga hospitals (private and public) na may capacity in terms of surge.”

Pinagsabihan na raw ng Health officials ang private hospitals sa lungsod na maglaan ng 20-percent bed capacity para sa COVID-19 patients.

“Tapos 10-percent additional if ever there is a surge. Ito ay bastante at tamang-tama talaga to cover the COVID-19 patients na ma-admit dito.”

Sa ngayon ang Vicente Sotto Memorial Medical Center daw ang pinaka-malaking referral hospital para sa confirmed cases ng lungsod.

Nakausap na raw ng DOH ang mga opisyal ng pagamutan para maglaan ng 50 hanggang 60-percent bed allocation sa COVID-19 patients.

“Kayang kaya naman nila ito dahil mayroon silang sapat na human resources atsaka mga equipment na pwedeng makapagbigay ng medical attention sa mga critical at severe cases.”

Batay sa COVID-19 tracker ng DOH, as of July 7, may 5,701 confirmed cases ang lungsod ng Cebu.