Mayor Noel Rosal Legazpi
Mayor Noel Rosal | Photo © FB Page

LEGAZPI CITY – Tukoy na ng mga otoridad ang kinaroroonan ng American national na isa sa tatlong nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Bicol.

Una nang naiulat na tumakas mula sa isang hotel sa Albay ang dayuhan at ngayo’y nananatili sa isa namang apartment sa Barangay 8 Bagumbayan sa Legazpi City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Mayor Noel Rosal, bantay-sarado ng kapulisan ang Amerikano kasama ang nobyang Pinay dahil sa ulat na nagiging bayolente raw ito.

Tuloy-tuloy din aniya ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng dalawa na kapwa asymptomatic o walang sintomas, habang nag-disinfect na sa mga lugar na pinuntahan ng magkasintahan.

Kaugnay nito, tatlong barangay na sa Legazpi ang isinailalim sa total lockdown kabilang ang Ilawod West, Bagumbayan at Ilawod.

Aminado si Rosal na pahirapan ang sitwasyon sa ngayon kaya maiging pag-aaralan ang pag-aabot ng tulong sa mga apektado.

Samantala, naka-isolate na ang isa pang COVID-positive sa bahay nito sa bayan ng Bacacay at hinihintay ang ilan pang kautusan mula sa Department of Health.

Apela naman ng alkalde na maging mahinahon ang publiko at sumunod sa mga ipinatutupad na hakbang.