-- Advertisements --

Inilabas na ng US court ang sentensiya sa administrator ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Los Angeles, California na si Marissa Duenas.

Ito ay matapos mag-plead ng guilty si Duenas sa kasong kinakaharap niya sa Amerika may kinalaman sa visa fraud at pamemeke ng kasal ng kanilang mga miyembro para magkaroon ng legal na estado doon.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Judge Terry Hatter ng US District Court, Central District of California ang agarang commitment ni Duenas sa Bureau of Prisons.

Ayon sa records ng korte, naisilbi na ni Duenas ang taon ng pagkakakulong na ipinataw ng korte kayat pinayagan itong makalaya subalit subject pa rin sa supervision sa loob ng dalawang taon.

Sa ilalim ng supervised release, dapat na sundin ni Duenas ang lahat ng mga ipinataw na kondisyon ng korte. Strikto ding pinagbabawalan si Duenas mula sa paggawa ng anumang mga krimen o paglabag sa anumang local, state o federal laws.

Matatandaan, si Duenas ay nagsilbing human resources leader ng KOJC sa Amerika. Siya ang reponsable sa pag-kolekta at pagsecure sa mga pasaporte at mga dokumento may kinalaman sa immigration ng mga miyembro ng kanilang sekta. Siya din ang naga-asikaso ng pagproseso ng mga pekeng dokumento kabilang ang mga pekeng kasal at student visas para mapanatili ang mga manggagawa nila sa US at lumikom ng mga donasyon para sa sekta.

Matatandaan, inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Duenas kasama ang isa pang KOJC administrator na si Guia Cabactulan noong 2020 sa KOJC headquarters.