Isang miyembro ng isang political family sa Iloilo ang kabilang sa most wanted fraudsters ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Nag-alok ang mga awtoridad ng Estados Unidos ng reward na hanggang 150,000 dolyar o tinatayang P9.2 million para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto at paghatol kay Rey Grabato II.
Sangkot umano si Grabato sa isang investment scam na nakapangloko sa tinatayang 2,000 investors at nakakuha ng mahigit 650-milyong dolyar mula Pebrero 2018 hanggang Enero 2022, kasama ang co-defendant na si Thomas Nicholas Salzano.
Nahaharap siya sa ilang federal charges sa US, kabilang ang securities at wire fraud, conspiracy, at tax fraud. Naglabas ang US District Court sa Newark ng warrant para sa kanyang pagkakaaresto noong Oktubre 12, 2022.
Ayon sa FBI at US Department of Justice, dating presidente at majority owner si Grabato ng National Realty Investment Advisors LLC, isang real estate investment firm sa New Jersey.
Inakusahan din siyang nagtangkang iwasan ang 26-milyong dolyar na tax liabilities sa loob ng 15 taon.
Si Grabato ay anak nina Mina Mayor Rey Grabato at dating mayor Lydia Grabato. Ayon sa kanyang pamilya, umuwi siya sa Mina noong Mayo 2022 matapos sumailalim sa brain surgery sa US kasunod ng isang aksidente.
















