-- Advertisements --

Inanunsyo ng US Department of Justice ang pagkakadakip sa isa sa mga most wanted fraudsters ng Federal Bureau of Investigation (FBI) matapos maaresto sa isang casino sa Pasig City ang puganteng si Herbert Leon Kimble.

Ayon sa mga awtoridad, ilang buwan ding tinunton ng Bureau of Immigration at mga ahente ng US government ang kinaroroonan ni Kimble bago siya madakip at maibalik sa Estados Unidos.

Noong 2019, umamin si Kimble sa mga kasong may kaugnayan sa fraud laban sa pamahalaan ng Amerika, kabilang ang healthcare fraud, mail fraud, at wire fraud.

Ngunit hindi siya sumipot sa itinakdang pagdinig para sa kanyang sentensiya noong Agosto 2024 kaya naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Umabot naman sa $150,000 ang alok na pabuya para sa impormasyong magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Sinabi ng FBI na pinatakbo ni Kimble mula 2014 hanggang 2019 ang isang malawakang operasyon na gumagamit ng mga call center sa Pilipinas upang hikayatin ang mga benepisyaryo ng Medicare na kumuha ng orthopedic braces na kadalasan ay hindi naman kinakailangan.

Ibinibenta umano ang mga reseta sa mga supplier ng medical equipment na siya namang nagsisingil sa Medicare.

Dahil dito, umabot sa mahigit 1.2 bilyong dolyar ang naitalang fraudulent Medicare charges at libu-libong katao, kabilang ang mga nakatatanda, ang naapektuhan.