-- Advertisements --

Magsasagawa ng protesta ang bagong grupong United People’s Initiative (UPI) mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa EDSA People’s Monument at Luneta Park sa Maynila, kasabay ng tatlong araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC).

Layunin ng protesta na humingi ng pananagutan, katarungan, at integridad sa mga politiko ngunit binigyang-diin ng grupo na hindi nito isusulong ang pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mapalitan siya ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa UPI, suportado aniya ng kanilang ikakasang kilos-protesta ang mga miyembro ng INC,Jesus Is Lord (JIL), Kingdom of Jesus Christ (KOJC), mga Katoliko, Muslim, kabataan, estudyante, manggagawa, at retiradong militar at pulis.

Binigyang-diin pa ng grupo na ang aksyon ay magiging “mapayapa, marangal, at nagkakaisa.”

Samantala, may iba pang grupo na nagbabalak din ng protesta hinggil sa posibleng pagbibitiw ni PBBM at pagsusulong ng constitutional succession, kabilang ang Black Friday movement na maghahanda ng prelude rally sa Nobyembre 14.