-- Advertisements --

Pinuri ng UN High Commissioner for Refugees (UNHCR) ang plano ng Pilipinas na kupkupin ang mga Afghan refugee sa gitna ng kaguluhan sa Afghanistan.

Sa isang pahayag ni UNHCR Philippines Head of National Office Maria Ermina Valdeavilla-Gallardo, sinabi nitong handa silang makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipina lalo sa refugees and stateless persons protection unit ng Department of Justice sa pagpoproseso ng mga application ng Afghans.

Binigyang-diin ng nasabing international body na hindi na bago ang pagkupkop sa mga refugee dahil maraming pagkakataon nang ginawa ito ng Pilipinas, tulad noong World War 2.

Nakatala rin sa kasaysayan na pinagkalooban ng asylum sa Pilipinas ni dating Pangulong Manuel Quezon ang libo-libong Jews upang matakasan ang pagmamalupit ng Nazi na pinamumunuan ng German leader noon na si Adolf Hitler.

Nagpasalamat din ang UN agency sa mga Filipino na naglunsad ng humanitarian work sa Afghanistan kahit mayroong COVID-19 pandemic.