TUGUEGARAO CITY – Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang iba’t-ibang departamento ng Tuguegarao City Airport dahil sa isyu ng tanim-bala na kumalat sa internet.
Una rito, naalarma ang naturang paliparan matapos pagpiyestahan ang post ni Mayor Atty. Cristina Antonio ng Alcala, Cagayan, anak ng dating gobernador, na umano’y biktima siya at ang kanyang pamilya ng tanim bala.
Nakasaad sa post ni Atty. Antonio na nitong Hulyo 16 nang magtungo ang kanyang pamilya sa Lungsod ng Maynila at habang nasa paliparan, nilapitan sila ng isang empleyado at tinulungan sa pagbuhat ng kanilang gamit.
Ngunit ikinabigla raw ni Atty. Antonio nang makita sa X-ray na mayroong laman na bala ang isa sa kanilang dalang bag.
Batay pa rin sa post, agad na pinabulaanan ng abogado sa mga empleado na sa kanila ang naturang bala.
Tinangka rin umano ng isa pang empleyado na humingi ng pera bilang kapalit, ngunit kalaunan ay humingi rin ng dispensa.
Kaugnay nito, sinabi ni Mary Sulin Sagorsor, Area Manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na nagsasagawa na ang kanilang grupo ng imbestigasyon kasama ang hanay ng Philippine National Police-Aviation Security Group sa pangyayari.
Ayon kay Sagorsor, normal ang operasyon ng paliparan noong araw na nangyari ang insidente kaya wala silang kaalam-alam sa kontrobersya.
Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Sagorsor na sisiguraduhin ng kanilang grupo na mapapanagot at mapaparusahan ang nasa likod ng tanim bala incident.
Humingi rin ng paumanhin sa publiko ang CAAP official dahil sa pangyayari.