-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Ibinunyag ng Philippine Army na may naitalang umano’y mga pang-aabusong sekswal sa mga babaeng miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Negros Island.

Ayon kay Col. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade, ilang mga contraceptive pills ang narekober ng tropa ng gobyerno sa mga personal na kagamitan ng NPA nang mangyari ang engkwentro sa Brgy. Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Mayo 22.

Nagsasagawa ng community security patrol ang 94th Infantry Battalion nang kanilang naka-engkwentro ang tinatayang hindi bababa sa 10 rebelde kasunod ng pagkadiskubre ng inabandonang kampo sa Barangay Buenavista.

Walang naitalang casualty sa panig ng militar matapos ang limang minutong palitan ng putok.

Ngunit narekober sa lugar ang isang backpack na naglalaman ng mga personal na kagamitan, medical paraphernalia na naglalaman ng tatlong stubs ng anti-pregnancy pills, mga pagkain, limang mga booklets, subversive documents, camouflage t-shirt at iba pang personal na gamit.

Ayon kay Pasaporte, ang presensya ng contraceptive pills ay nagpapakita na mayroong sexual abuse na nangyayari sa mga babaeng miyembro ng NPA at recruits.

Inengganyo rin ni Pasaporte ang lahat ng mga babaeng miyembro ng NPA at mga recruits na tumiwalag sa grupo at bumalik sa kanilang pamilya.

Dagdag pa nito, sinisiguro ng gobyerno ang maliwanag na kinabukasan ng mga ito sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).