Hinamon ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sangkot sa korupsyon sa ahensya.
Pahayag ito ni Zarate matapos na ipatigil ng Punong Ehekutibo kamakailan ang operasyon ng PCSO dahil umano sa isyu ng korupsyon.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Zarate na marapat lamang na maimbestigahan at mapanagot ang mga may kasalanan sakaling nagkaroon nga ng malawakang korpasyon sa ahensya.
Masaklap naman aniya na ang publiko na humihingi ng tulong ang higit na naapektuhan ng desisyon ng Pangulo gayong wala namang alam kung sino ang sinasabing corrupt officials.
Dahil dito, nananawagan si Zarate sa mga kapwa niya kongresista na magsagawa ng imbestigasyon para matukoy man lang kung mayroong paglabag sa prangkisa ng PCSO.
















