-- Advertisements --

Kailangan ng hindi bababa sa 11 boto, kabilang ang boto ng presiding officer, para ma-overturn ang naunang ruling na nagtakda sa 16 na boto bilang threshold para ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Ito ang paglilinaw ni impeachment court spokesperson Reginald Tongol matapos ipabatid ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na boboto rin siya sa usapin ng threshold.

Sa kasalukuyang setup, 20 lamang na senator-judge ang maaaring bumoto dahil apat na senador ang hindi nakadadalo sa paglilitis. Dahil dito, 11 boto ang kailangan para makuha ang majority at maaprubahan ang apela sa naunang ruling.

Ang apat na hindi makadadalo ay sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nagtatago matapos malagdaan ang warrant of arrest laban sa kaniya ng International Criminal Court; Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta, na kapwa nahaharap sa nonbailable na kasong plunder sa Sandiganbayan; at Loren Legarda, na naka-extended medical leave sa ibang bansa.

Una nang sinabi ni Tongol na hindi na boboto ang presiding officer sa usapin. Ngunit nilinaw niyang nagpasya si Escudero na lumahok sa botohan matapos itong pag-usapan nang mabuti.

Kapag nagtabla ang boto, halimbawa ay 10-10, mabibigo ang motion na i-overturn ang ruling at mananatili ang naunang desisyon na 16 boto ang kailangan para sa conviction.

Bago ang botohan, makikinig ang impeachment court sa mga dating mahistrado ng Supreme Court na magsisilbing amicus curiae o “friends of the court.”

Kabilang sa inaasahang magbibigay ng opinyon sa Setyembre 16 sina dating Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, at dating Associate Justice Rodolfo Azcuna. Posibleng sa videoconference lamang makadalo si dating Chief Justice Hilario Davide Jr.

Tatalakayin sa kanilang mga legal na opinyon kung maaari pang iapela ang naunang ruling, kung maaaring ibaba ang 16-vote baseline, at kung ano ang epekto ng mga desisyon sa Avelino v. Cuenco at Bayan v. Zamora.

Sa Setyembre 23 naman isasagawa ang oral arguments ng House prosecution team at defense lawyers ni Duterte bago bumoto ang mga senator-judge sa usapin ng threshold.