-- Advertisements --

Nakatakdang basahan ng sakdal ngayong Biyernes, Setyembre 11, 2026, si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court kaugnay sa mga kasong grave threats na kanyang kinakaharap.

Inaasahang personal na dadalo ang Ikalawang Pangulo upang pormal na magpasok ng kanyang plea na guilty o not guilty sa harap ng korte.

Binigyang-diin ng abogado ng bise presidente na si Atty. Michael Poa na obligado at kinakailangang daluhan ng isang akusado ang pormal na pagbasa ng sakdal.

Bago ang nakatakdang arraignment, nauna nang dumulog si Duterte sa Korte Suprema upang hilinging maipawalang-bisa at maibasura ang mga kaso laban sa kanya pati na ang inisyung warrant of arrest ng Quezon City RTC.

Layunin ng kanyang inihain na Petition for Prohibition na may kasamang aplikasyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) na pigilan ang prosekusyon at ang mababang korte sa pagpapatuloy ng anumang aksyon ukol sa kaso.

Nagsumite rin ang kanyang kampo ng Urgent Motion to Resolve Application for TRO upang mabilis na maresolba ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon bago pa man magsimula ang pagbasa ng sakdal ngayong araw.

Pangunahing dahilan ng kampo ni Duterte sa kanilang apela ang paghingi ng linaw sa Korte Suprema ukol sa saklaw at limitasyon ng immunity mula sa demanda ng isang nakaupong impeachable officer.

Nananatili namang matatag ang panindigan ng Department of Justice (DOJ) na ang Pangulo lamang ng bansa ang nag-iisang opisyal na mayroong eksempsyon o immunity from suit sa ilalim ng batas.

Nahaharap si Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng kasong grave threats kaugnay ng umano’y pagbabanta niya sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.