Inusisa ni Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih ang testigong si Atty. Karen Batu ng Office of the Ombudsman ukol sa mga idineklarang negosyo ni Vice President Sara Duterte noong kaniyang unang termino bilang alkalde ng Davao City.
Isinagawa ang pagtatanong sa ika-25 araw ng impeachment trial laban sa Bise Presidente.
Sinisiyasat ni Atty. Alih si Batu ukol sa acquisition cost o capital na nakatala sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte, partikular sa mga negosyong umiiral na sa kaniyang 2007 SALN.
Kinumpirma ni Batu na batay sa tatlong nakatalang dokumento ay walang idineklarang acquisition cost, dahilan upang punahin ng prosecutor na may negosyo ngunit walang nakatalang puhunan.
Inilahad din ng testigo na walang idineklarang stocks sa 2007 at 2009 SALN ni Duterte, maliban sa 2008 SALN kung saan may nakalagay na stocks equity paid.
Nang muling itanong ng prosecution kung nangangahulugan ba itong may mga negosyo ngunit walang nakadeklara na puhunan o kapital, sinabi ni Batu na iyon ang mismong nakasaad sa opisyal na dokumento ng Ombudsman.
Ang palitan ng pahayag ng magkabilang panig ay bahagi ng presentasyon ng prosecution sa mga rekord ng Ombudsman sa ilalim ng Article II ng impeachment case.
Nakatuon ang naturang paratang sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon sa SALN, at ang patuloy na pakikipagsosyo sa negosyo habang nasa pwesto sa pamahalaan.
















