-- Advertisements --
cropped BJMP New Bilibid Prison 22

Nakatakdang imbestigahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mga napaulat na “mass grave” sa isang septic tank sa loob ng maximum security compount ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Sa isang pahayag ay sinabi mismo ni Senate Committee on Justice and Human Rights chairman Sen. Francis Tolentino na mismong sa loob ng Bilibid isasagawa ang naturang pagdinig upang mabigyan ng pagkakataon na makalahok dito ang mga bilanggo sangkot sa nasabing usapin.

Bukod dito ay sisilipin din ng naturang komite ang mga insidente sa Bureau of Corrections na nako-kompromiso umano ang kaligtasan at seguridad ng mga inmate at prison personnel sa Bilibid.

Matatandaang noong nakaraang linggo inihain ni Sen. Tolentino ang Resolution 709 sa layuning magsagawa ng imbestigasyon sa natuklasang mass grave sa loob ng Bilibid habang pinaghahanap ng mga prison officials ang nawawalang inmate na si Michael Angelo Cataroja na huling nakita noong July 14, 2023.

Batay sa tala ng BuCor, aabot sa 673 na mga kaso ng pagkamatay ang naitala sa NBP compound noong Disyembre 2022 kung saan kabilang na dito ang walong kaso ng asphyxia ang naging cause of death, isa ang nakitaan ng tama ng bala ng baril, anim ang namatay sa pananaksan, habang tatlo naman ang nakitaan ng traumatic head injuries.