LEGAZPI CITY – Dumating na sa Albay ang technical working group na mag-iimbestiga sa sinasabing hindi magandang disenyo ng ilang bahagi ng itinatayong Bicol International Airport sa bayan ng Daraga.
Kinabibilangan ang team ng dalawang civil engineers mula sa Office of the Presidential Assistant on Bicol Affairs (OPABA) at ilang engineering students.
Ayon kay OPABA Usec. Marvel Clavecilla sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakarating sa tanggapan ang ulat na may mga cracks sa runway ng paliparan kahit hindi pa man nabubuksan.
Aniya, hindi maaaring mag-operate ang paliparan sa ganitong lagay lalo na’t seguridad ng mga pasahero ang pangunahing concern.
Bukod sa pagbeberipika ng runway, pinasusuri rin ang completion ng iba pang mahahalagang imprastraktura sa paliparan kagaya ng terminal at administration building.
Una nang pinuna ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang matagal nang delay sa pagtatapos at nakatakdang pagbubukas ng paliparan.
Pinadagdagan naman ang mga tauhang nagtatrabaho upang makapag-operate na ito sa pagdating ng Nobyembre o Disyembre 2020.
Taong 2005 nang pasimulan ang proyekto sa ilalim ng Arroyo administration subalit 2009 nang mag-umpisa ang construction na makailang beses pang naantala dahil sa iba’t-ibang salik.
Samantala, inaasahang sa susunod na linggo ay mailalabas ang resulta ng on-site inspection ng ipinadalang team.