Magiging mas magaan at mas mura na ang pamasahe ng mga estudyante sa mga metro trains simula Setyembre 1, ayon yan sa Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa kagawaran, available na ngayong araw ang white at personalized Beep cards na may nakaprograma nang 50% discount para sa mga estudyante. Maaari na itong magamit sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2.
Makukuha ang Beep card sa mga ticketing counter ng mga station basta’t may dalang valid school ID. Hindi na rin kailangang magsumite ng form para makaiwas sa mahabang pila. Ang card ay may bisa ng isang taon at kailangang i-renew kada pasukan ng mga mag-aaral.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng departamento ang publiko laban sa mga nagho-hoard at muling nagbebenta ng Beep cards sa mas mataas na presyo online.