Maliban sa maanomalyang flood control projects, bubusisiin na rin sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ang isyung may kaugnayan sa mga anomalya sa farm-to-market roads at iba pang palpak na infrastructure projects.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III, kung saan aniya, hindi puputulin ang imbestigasyon at tuluy-tuloy itong bubusisiin ng komite.
Ayon kay Sotto, pumayag si Senate President Pro Tempore Ping Lacson na buksan na rin ang pagsisiyasat sa farm-to-market roads ng Department of Public Works and Highways.
Naniniwala rin si Sotto na dahil sa lawak ng mga iregularidad sa mga “ghost projects,” hindi malayong palawakin ng Blue Ribbon Committee ang saklaw ng imbestigasyon upang masuri rin ang iba pang substandard o ghost projects sa mga ahensya tulad ng Department of Agriculture, Department of Education, Department of Health, at maging sa PhilHealth.
Samantala, pinasinungalingan at tinawanan ni Sotto ang ulat na naging pangsalba sa kanyang Senate presidency ang pagbibitiw ni Lacson bilang Blue Ribbon Committee chairman noong October 6.
Ayon sa kanya, nadismaya lang umano si Lacson dahil sa mga puna ng ilang senador hinggil sa paraan ng kanyang pamumuno sa imbestigasyon kaugnay ng flood control projects.
May ilan daw kasing nagsabing itigil na ito, habang ang iba nama’y iginiit na iba dapat ang tutok ng imbestigasyon.
Naging iba rin aniya ang dating sa ilang senador kaugnay sa sinabi ni Lacson na halos lahat ng senador ay may insertions sa 2025 national budget.
Sa ngayon, wala pang nakatakdang iskedyul kung kailan ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee, ngunit magpupulong ang komite sa susunod na linggo o sa unang linggo ng Nobyembre.