BUTUAN CITY – Aminado si international law expert Atty. Arnedo Valera direkta mula sa Estados Unidos na magbibigay ng malaking epekto sa buong mundo kung itutuloy ng Russia ang pinangangambahang pag-atake nila sa Ukraine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Atty. Valera na halos isang oras na nagka-usap kahapon sina US President Joe Biden at Ukrainian President Volodymyr Zelensky kungsaan tiniyak ni Biden na handa nilang isi-share ang kanilang intelligence report upang malaman ng Ukraine kung gaano kalaki ang posibilidad na aatakihin sila ng Russia.
Sa nasabing pag-uusap din ay inihayag umano ni President Zelensky kay President Biden na mayroon din silang nakuhang intelligence report na nais nilang ma-verify ng Amerika lalo na’t may deperensya sa level o degree ng intelligence monitoring ng bawat-bansa.
Ang nangunguna umanong pakay ng Russia sa tangkang pang-aatake sa Ukraine ay upang pigilan ang orth Atlantic Treaty Organization (NATO) sa pagpapalawak ng kanilang alyansa na nabuo noong 1949.
Maliban pa ito sa kagustuhan ng pamahalaan ng Moscow na itigil na ang pagpapalapakas ng pwersa ng NATO pati na ang ilang military positioning sa iba pang mga member states ng NATO matapos ang 1997 na mariin namang tinututulan ng US at ng NATO.