-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay ang United Kingdom sa Pilipinas matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao at kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 38 katao ayon sa Office of Civil Defense.

Sa pagdiriwang ng kaarawan ni King Charles III na isinagawa ng British Embassy sa Maynila, nagpahayag ng pakikiramay si British Ambassador Sarah Hulton para sa mga biktima ng sakuna at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Hulton, nakikiisa ang United Kingdom sa mga Pilipinong naapektuhan ng malakas na lindol at ipinapaabot nito ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa mga nawalan ng mahal sa buhay.

Nagpasalamat naman ang pamahalaan ng Pilipinas sa mensahe ng suporta at pakikidalamhati mula sa gobyerno ng United Kingdom.

Samantala, muling pinagtibay ng United Kingdom ang lumalalim nitong ugnayan sa Pilipinas sa larangan ng depensa at maritime security.

Ayon kay Hulton, patuloy ang pag-uusap ng dalawang bansa para sa isang kasunduan na magpapalawak ng kooperasyon ng kanilang mga armed forces.

Binigyang-diin din ng United Kingdom ang suporta nito sa pagpapatupad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-aangkin ng China sa mga pinag aagawang karagatan.

Kasabay nito, ipinagdiwang din ng dalawang bansa ang ika-80 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at United Kingdom.

Ibinahagi rin ng British Embassy ang pagkilala ni King Charles III sa mahalagang ambag ng mga Pilipino sa United Kingdom, lalo na ang tinatayang 35,000 Filipino nurses na nagsisilbi sa National Health Service (NHS).