-- Advertisements --

Nagkaroon ng bahagyang sea level disturbance matapos tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa karagatan malapit sa Balut Island, Sarangani, Davao Occidental, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa PHIVOLCS, maaaring makaranas ng pagtaas ng alon na mas mababa sa isang metro ang lalawigan kumpara sa karaniwang taas ng tubig. Posible rin itong maging mas mataas sa mga enclosed bays at enclosed straits.

Tinatayang naranasan ang unang tsunami waves sa pagitan ng alas-11:49 ng gabi noong Hulyo 14, 2026 hanggang alas-12:09 ng madaling araw nitong Hulyo 15, 2026. Maaari umanong magpatuloy ang mga alon sa loob ng ilang oras.

Pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto sa anumang kakaibang pagtaas ng alon at iwasan muna ang mga baybayin sa mga sumusunod na lugar:

  • Sarangani
  • Davao Occidental
  • General Santos City

Pinayuhan din ang mga may-ari ng bangka na nasa pantalan, ilog, o mabababaw na bahagi ng dagat na tiyaking ligtas ang kanilang mga sasakyang pandagat at lumayo muna sa tabing-dagat.

Nilinaw ng PHIVOLCS na wala pang inilalabas na evacuation order kaugnay ng sea level disturbance.