-- Advertisements --

Nanatiling buo at normal ang operasyon ng Mindanao Grid matapos walang maitalang pinsala kasunod ng magnitude 5.0 aftershock na tumama kaninang madaling araw sa karagatang sakop ng Sarangani, Davao Occidental.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nanatiling matatag ang serbisyo ng transmission ng kuryente sa Southwestern Mindanao.

Wala ring naitalang pinsala sa mga transmission facility sa lugar at mga karatig-lugar na nakaramdam ng pagyanig kaya nananatiling ligtas at buo ang grid.

Batay naman sa PHIVOLCS, tectonic ang pinagmulan ng naturang lindol na naitala sa karagatan malapit sa Balut Island at may lalim na 10 kilometro.

Nilinaw ng PHIVOLCS na ang magnitude 5.0 na lindol ay isang aftershock ng magnitude 7.8 na pangunahing lindol na tumama sa karagatang sakop ng Sarangani noong Hunyo 8.

Dagdag pa ng ahensya, wala ring inaasahang pinsala o mapaminsalang aftershocks na kaugnay ng naturang pagyanig.