-- Advertisements --
Wilder x Fury

Muling kinilala si Tyson “The Gypsy King” Fury bilang heavyweight champion matapos na iginupo si Deontay Wilder sa kanilang title rematch.

Habang ito ang unang talo sa career ni Wilder makalipas ang 10 beses na successful defenses aa titulo.

Naging mas agresibo ngayon ang undefeated na si Fury dahilan para dalawang beses na pinabagsak si Wilder, una noong third round at pangalawa naman pagsapit ng ika-lima.

Dahil dito, napilitan ang trainer ni Wilder na itapon sa itaas ng lona ang bimpo nito sa ika-pitong round ng kanilang WBC heavyweight championship rematch sa MGM Grand Arena na ginanap sa Las Vegas.

Ayaw pa sana ni Wilder na mahinto ang kanilang bakbakan, pero itinigil ito ni Kenny Bayless sa huling 1:39 minuto ng ika-pitong round kasunod nang pagkakatapon ng puting towel sa ring ng assistant trainer.

Ipinagtaka ni Wilder ang naging desisyon ng mga co-trainers nito.

Pero hugas kamay ang main trainer na si Jay Deas dahil hindi raw sya sang-ayon sa ginawa ng assistant coach na si Mark Breland.

Naging mas malinaw ang panalo ni Fury nitong araw sa harap ng 15,816 fans kumpara sa kontrobersyal na split draw sa kanilang unang bakbakan ni Wilder 14 buwan ang nakalipas o noong December 2018.

Makikita sa CompuBox ang dominanteng performance na ipinakita ng lineal champion na Briton.

Umaabot sa 82 ang tumama mula sa pinakawalang 267 punches o 31% habang ang US champion ay nasa 34 lamang ang komonekta mula sa 141 na suntok o 24% punches landed.

Ito ay sa kabila na kinikilala sa heavyweight division si Wilder bilang knockout artist dahil napakalakas sumuntok.

Ang nasabing laban ay kinikilala ng marami bilang the biggest heavyweight title match.

Kabilang sa mga boxing legends na nanood ay sina Mike Tyson at Lennox Lewis. Maging ang NBA great na si Magic Johnson ay namataan din sa arena.

Inaasahan naman na muling magtutuos ang dalawang magkaribal sa ikatlong pagkakataon bunsod ng malaki ang kinita sa takilya na inabangan ng husto ng mga boxing fans.

Pero posible rin daw na targetin muna ni Fury sa next fight nya na hamunin din ang kababayan na si Anthony Joshua na hawak naman ang korona sa WBA, IBF, WBO, at IBO para sa unification bout.

Samantala, bilang bahagi pa nang pagbubunyi ni Fury sa kanyang ika-31 unbeaten fight ay nangantiyaw ito sa pamamagitan nang pag-awit na karaoke style sa kanta ni Don McLean na “American Pie.”