-- Advertisements --

Kinumpirma ng Maritime Industry Authority (MARINA) na ligtas at buhay ang kapitan ng M/V June Aster matapos sumiklab ang sunog sa naturang barko habang pumapalaot sa karagatan ng Coron, Palawan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay MARINA Regional Office IV Director Atty. Maximo Bañares Jr., sinabi nitong mismong ang kumpanya ng barko ang nagkumpirma na nakaligtas ang kapitan ngunit hindi pa ito nagpapakita sa mga awtoridad.

Patuloy na hinahanap ng ahensya ang kapitan upang makuha ang kaniyang pahayag at maisailalim sa imbestigasyon, kung saan posible itong mapatawan ng administrative liability kung mapatutunayang may nilabag na maritime safety regulations.

Nangyari ang insidente habang nasa gitna ng pagbiyahe ang barko sa Coron, na agad namang tinugunan ng Philippine Coast Guard para sa rescue at firefighting operations.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyong pangkaragatan ng MARINA upang mabatid ang tunay na pinagmulan ng sunog at suriin ang seaworthiness ng mga barko ng naturang kumpanya.