Aminado ang Malacañang na mahihirapan ang pamahalaan na tuluyang bawiin ang total deployment ban ng bansa sa mga medical workers ngayong humaharap ang buong mundo sa COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna na rin ng panawagan ng mga health workers na ganap nang alisin ang deployment ban na ito.
Sinabi ni Sec. Roque, malinaw ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na habang umiiral ang State of Calamity sa bansa dahil sa COVID-19, mahirap i-lift ang deployment ban.
Ayon kay Sec. Roque, habang ang mga bansang nais puntahan ng mga medical professionals ay mas marami pa ang COVID cases kumpara sa Pilipinas, patuloy lamang aniya ang pamahalaan sa pangangalaga ng kalusugan ng mga frontliners.
Magugunitang pinapayagan ng makaalis ang mga healthcare professionals na may kompleto ng dokumento nitong Agosto 31.
“Malinaw po ang Presidente, habang mayroon po tayong state of calamity dahil sa COVID-19, mahihirapan pong i-lift iyang ban na iyan. At habang ang mga nurses po ay papunta sa mga bansa na mas maraming kaso kaysa sa Pilipinas eh pangangalagaan pa rin po ng Presidente ang kalusugan ng ating mga frontliners,” ani Sec. Roque.