Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) ang tulong para doon sa mga sibilyan na nadamay sa pagbagsak ng C-130 aircraft kabilang ang isang 13-anyos na lalaki, isang buntis at dalawang sibilyan na kasalukuyang ginagamot sa hospital.
Personal na pinuntahan at pinasalamatan ni PAF Wing Commander, Tactical Operations Wing Western Mindanao na si Colonel Dennis Estrella ang mga sugatang sibilyan sa hospital para personal na kamustahin ang mga ito.
Sa ngayon nasa recovery stage na ang mga sugatang sibilyan.
Binisita rin ni Estrella ang mga sibilyan na unang rumesponde sa pagbagsak ng C-130 aircraft sa Patikul, Sulu upang bigyang pagkilala ang kabayanihan sa pagtulong na mailigtas ang mga sundalo na naipit sa gitna ng aksidente.
Sinabi ni Estrella, ito ay bahagi rin ng pagpapaaabot ng taos-pusong pasasalamat ni PH Air Force chief, Lt. Gen. Allen Paredes sa mga residente at sibilyan na nagpakita ng malasakit at tapang upang tulungan at sagipin ang mga sundalo.
Paliwanag niya, bagama’t mapanganib ay hindi na ito naisip ng mga sibilyan sa ngalan ng pagtulong sa mga kasundaluhan na na kasama sa aksidente.
Samantala, tiniyak ni Estrella na mabibigyan ng kaukulang tulong ang mga sibilyan na naapektuhan sa nangyaring insidente sa Sulu.
Lubos naman nagpasalamat ang buong PH Air Force sa mga sibilyan na agarang rumesponde sa mga sundalo na lulan ng bumagsak na C-130 aircraft sa Sulu, kamakailan.