Bago pa man ang inaabangang pulong, nagpahiwatig na si US President Donald Trump ng kaniyang nais na matalakay kasama si Ukrainian President Volodymyr Zelensky at delegasyon ng European leaders ngayong Lunes, oras sa Amerika.
Sa isang post sa social media, sinabi ni Trump na dapat pumayag si Zelensky sa ilang mga kondisyon ng Russia para mawaksan ang giyera sa Ukraine.
Ang dalawang kondisyon ay inilatag ni Russian President Vladimir Putin kung saan ayon kay Trump ay dapat isuko na ng Ukraine ang Crimea na iligal na nakubkob bilang annex ng Russia noong 2014 at dapat din aniyang pumayag si Zelensky na huwag nang makipag-alyansa pa sa North Altantic Treaty Organization (NATO).
Nagpahayag naman ng pagkabahala dito ang European leaders na nakatakda ding magtungo sa White House para dumalo sa pulong nina Trump at Zelensky.
Nangangamba ang mga ito na magresulta ang mga kondisyon ni Putin sa kanilang Alaska summit ni Trump para ipressure si Zelensky na tanggapin ang mga kondisyon.
Sa kabila nito, umaasa ang EU leaders na makakuha ng karagdagang impormasyon mula kay Trump kung ano ang posibleng i-concede ng Russia bilang parte ng peace deal gayundin kung ano ang magiging papel ng Amerika sa pagbibigay ng security guarantees sa hinaharap.