Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na ititigil na ng Estados Unidos ang mga pag-bomba laban sa militanteng grupo na Houthi na nasa Yemen, matapos ang 51 araw na bakabakan, tugon sa serye ng pag-atake ng mga rebeldeng grupo sa mga barko na nasa Red Sea.
Ayon kay Trump, hindi na raw lalaban ang rebeldeng grupo kung saan igagalang ng U.S. ang kanilang pahayag at ititigil na nga ang pambobomba.
‘They’ve said, ‘Please don’t bomb us anymore, and we’re not going to attack your ships,’ pahayag ni Trump sa Oval Office nito.
Gayunman, wala pang malinaw na detalye ang inilabas ng U.S. Defense Department kaugnay ng biglaang pagbabago ng sa kanilang strategy. Ayon sa mga opisyal, mahigit 1,000 target na ang tinamaan sa operasyon, kabilang ang mga kampo, bodega ng armas, at mga missiles ng militanteng grupo.
Umalma naman ang Houthi sa sinabi ni Trump at sinabing hindi nila ititigil ang pag-atake, lalo na sa Israel, hangga’t hindi umano natatapos ang “agresibong ginagawa sa Gaza.” Wala ring opisyal na reaksyon ang pamahalaan ng Israel hinggil sa sinabi ng Houthi rebel.
Samantala, hindi rin nilinaw ni Trump kung saklaw ng kasunduan ang patuloy na palitan ng putok sa pagitan ng Houthis at Israel, na kamakailan lang ay nang bomba sa paliparan ng Israel.
Mababatid na ang mga pag-atake na ginawa noon ng Houthi ay nagsimula noong 2023 bilang suporta sa Hamas sa Gaza. Matatandaang sinimulan ng administrasyon ni Biden ang pambobomba sa Houthis noong Enero 2024, ngunit binatikos ito ni Trump bilang “mahinang pag-atake.”
Patuloy pa rin ang mga babala ng Estados Unidos sa Iran kaugnay ng suportang binibigay nito sa Houthi, ngunit iginiit ng State Department na hiwalay ito sa pansamantalang kasalukuyang kasunduan mula sa Houthi.