-- Advertisements --

Nagbanta si U.S. President Donald Trump laban kay Venezuelan President Nicolás Maduro, kabilang ang pagbabanta ng pagpapadala ng ground troops, pag-amin sa mga covert operation, at pagpapalipad ng nuclear-capable bombers malapit sa karagatan ng Venezuela.

Noong Huwebes (Biyernes sa Pilipinas), kinumpirma ng isang opisyal ng U.S. na nagsagawa ang Amerika ng ikaanim na lethal boat strike ngayong taon laban sa isang umano’y drug boat sa Caribbean Sea, kung saan may ilang nakaligtas.

Depensa ng White House, bahagi ito ng kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Ayon kay White House press secretary Karoline Leavitt, itinuturing ni Trump na isang “illegitimate regime” ang pamahalaan ni Maduro na umano’y sangkot sa illegal drug trade. Gayunpaman, giit ng mga eksperto, karamihan sa iligal na droga sa U.S. ay dumadaan sa Mexico at sa mga ruta sa Pacific Ocean, hindi sa Caribbean.

Nang tanungin naman kung may utos sa CIA na patalsikin o patayin si Maduro, tinawag ito ni Trump na isang “ridiculous question,” ngunit iginiit na “Venezuela is feeling heat.”

Inihayag din ni Trump na pinag-aaralan na ng kanyang administrasyon ang posibilidad ng pambobomba sa Venezuela, dahil aniya, kontrolado na nito ang karagatan.

Samantala umani naman ng batikos ang Estados Unidos mula sa Venezuelan Foreign Ministry kung saan tinawag nila itong isang ”policy of aggression, threats, and harassment.”

Kaugnay nito humigit-kumulang 10,000 tropang Amerikano na ang naipadala ng Amerika sa Latin America ngayong taon, kasama ang 8 Navy ships, F-35 fighter jets, at MQ-9 Reaper drones.