-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon matapos ipatigil mahigit tatlumpung taon na ang nakakalipas, ipinag-utos ni US President Donald Trump sa War Department na ipagpapatuloy ang nuclear weapons testing ng Amerika.

Huling nagsagawa ang Amerika ng nuclear weapons testing noong taong 1992 pa.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng US President na ang naturang hakbang ay para makasabay sa testing programs ng ibang mga bansa tulad ng Russia at China.

Ipinagmalaki ni Trump na kumpara sa ibang bansa hindi hamak aniyang mas marami ang nuclear weapons ng Amerika, kung saan pumapangalawa ang Russia at pangatlo ang China.

Hindi naman idinetalye ni Trump kung paano mangyayari ang nuclear weapons tests subalit, sinabi niyang agad sisimulan ang naturang proseso.

Ginawa naman ni Trump ang naturang kautusan matapos niyang kondenahin ang Russia sa pagsasagawa ng testing sa isang nuclear-powered missile, na napaulat na may unlimited range o may malawak na saklaw.

Bagamat, aminado si Trump na may matinding kapangyarihang makapinsala ang nuclear weapons, wala umano siyang choice kundi i-“update at i-renovate” ang arsenal ng Amerika sa kaniyang panunungkulan.

Matatandaan, sa ilalim noon ni dating US President George HW Bush, inisyu ang moratorium sa nuclear weapons kasabay ng pagwawakas ng Cold War.