BATTLE CREEK – Kumpiyansa umano si US President Donald Trump na dadaan sa due process ang haharapin nitong impeachment case sa Senado.
Pahayag ito ng White House matapos ang halos 10 oras na debate ng mga mambabatas kung saan kapwa nauwi sa “yes votes” ang dalawang articles of impeachment.
Ayon kay White House spokeswoman Stephanie Grisham, hindi man naging patas ang US House of Representatives ay umaasa silang makakamit ni Trump sa Senado ang tamang proseso.
“Today marks the culmination in the House of one of the most shameful political episodes in the history of our nation,” ani Grisham. “The president is confident the Senate will restore regular order, fairness, and due process, all of which were ignored in the House proceedings. He is prepared for the next steps and confident that he will be fully exonerated.”
Sa direkta namang pahayag ni Trump habang nasa campaign rally sa estado ng Michigan, umalma ito sa pagsasabing kinain na ng galit ang Democratic Party.
“While we’re creating jobs and fighting for Michigan, the radical Left in Congress is consumed with envy and hatred and rage, you see what’s going on,” saad ng 73-year-old Republican leader.
Una rito, sa unang article of impeachment ay nagkaroon ng botong 230-197 para sa isyu ng abuse of power laban kay Trump.
Habang sa pangalawang artikulo na inanunsyo ni House Speaker Nancy Pelosi ang 229-198 votes para naman sa obstruction of Congress.
Si Trump ang pangatlong pangulo sa kasaysayan ng Amerika na pina-impeach ng kanilang House of Representatives.
Ang dalawang nauna ay sina Andrew Johnson noong 1868 at Bill Clinton noong 1998. (CNA / featured image from Getty)