-- Advertisements --

Nakatakdang harapin ni U.S. President Donald Trump ang mga oil company executive ngayong lingo upang pag-usapan ang industriya ng petrolyo sa Venezuela na una nitong sinalakay, ilang araw pa lamang ang nakakalipas.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ilang petroleum companies ang dadalo o magpapadala ng mga kinatawan, ngunit una nang kinumpirma ng malalaking kumpaniya na Exxon, Chevron, at ConocoPhillips, ang magpapadala.

Una nang sinabi ni Trump, kasunod ng ‘matagumpay’ na pag-aresto kay Venezuelan President Nicolas Maduro na ang US ang pansamantalang mamamahala sa naturang bansa.

Papayagan din ang malalaking petroleum companies na pumasok sa South American country para sa pangangalakal ng krudo.

Ang Venezuela ang itinuturing na may pinakamalaking bulto ng oil reserve sa buong mundo na tinatayang nasa 303 billion bariles, batay sa report ng U.S. Energy Information Administration.

Sa kabila ng kaguluhan sa Venezuela, nananatiling matatag ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, batay sa resulta ng unang dalawang trading session matapos ang pagpasok ng US sa naturang bansa.

Ngayong araw (Jan. 7), inanunsyo na rin ni Trump na ibibiyahe ang 30 million hanggang 50 million bariles ng krudo mula sa Venezuela patungong US. Ang kikitain sa naturang sale, ayon sa US president, ay gagamitin para sa kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.(report by Bombo Jai)