LAOAG CITY – Isang tricycle driver na si Mr. Ronald Allan Tacsuan mula sa lungsod ng Batac ang nagbibigay ng libreng sakay sa mga atleta at delegado ng Palarong Pambansa 2025.
Aniya, bukod sa kanila, magkakaroon din ng libreng sakay ang mga guro at kawani ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Batac at ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte na naglilingkod para sa malaking okasyon.
Paliwanag niya na sa sandaling naglabas ng fare guide ang Metro Ilocos Norte Council upang maiwasan ang overcharging o paniningil ng mataas na pamasahe sa mga nasabing atleta at delegado ng Palarong Pambansa, nagpasya siyang ialok ito nang walang bayad.
Sabi niya na nakahatid na siya ng humigit-kumulang 50 atleta at delegado ng Palarong Pambansa nang walang sinisingil na pamasahe sa kanila.
Kaugnay nito, pinuri ng mga atleta at delegado na naging pasahero ni Mr. Tacsuan ang isinasagawang libreng sakay para sa kanila.
Dagdag pa niya, patuloy niyang ihahatid ang mga atleta at delegado ng Palarong Pambansa hanggang sa matapos ang napakalaking sporting event sa lalawigan.
Samantala, ang terminal ni Mr. Tacsuan ay matatagpuan sa Catalino Acosta Memorial Elementary School sa lungsod ng Batac kung saan ito ang nagsisilbing billeting quarters ng mga atleta at delegado mula sa Calabarzon Region.