BAGUIO CITY – Ikinatuwa ni dating Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang desisyon ni PNP Chief Oscar Albayalde na pagbaba sa pwesto.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Magalong, sinabi niya na natutuwa siya at naisipan ni Gen. Albayalde na umalis na sa puwesto.
Aniya, malaki ang naging epekto ng expose ukol sa koneksyon ni Gen. Albayalde sa mga “ninja cops” kung saan sinabi ni Mayor Magalong na nararamdaman niya ang “demoralization” ng pambansang pulisya.
Sinabi niya na base na rin ito sa mga natatanggap niyang mensahe mula sa mga PNP officials.
Posible aniyang nararamdaman na ni Gen. Albayalde ang hindi na pagpansin dito ng mga kasamahan nito sa Camp Crame.
Sa ngayon, umaasa si Mayor Magalong na pagkatapos ng pag-step down ni Gen. Albayalde ay tuloy-tuloy na ang transformation ng pambansang pulisya kung saan sasailalim ito sa isang “competent, professional and credible command.”
Kung maaalala, sa flag ceremony sa Camp Crame kaninang umaga ay inihayag ni Gen. Albayalde ang non-duty status nito epektibo ngayong araw kasabay ng pagbitiw nito sa puwesto bilang PNP chief.
Magsisilbing officer-in-charge ng PNP si Lt. Gen. Francisco Archie Gamboa, ang deputy chief for administration.