KALIBO, Aklan—Bahagyang bumaba ang tourist arrival sa isla ng Boracay dahil sa hagupit ng Southwest Monsoon o Habagat at ang pananalasa ng bagyong Crising, Dante at Emong sa bansa na nagresulta sa mga flight cancellations.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Caticlan Jetty Port Administrator Esel Flores na bagama’t inaasahan na nila ang ganitong senaryo tuwing Habagat season ngunit mas pinalala ang epekto nito nang pumasok ang mga magkasunod-sunod na bagyo kung saan, nag-atubili ang ilang turista na ituloy pa ang kanilang bakasyon sa Boracay.
Sa kabila nito, positibo naman si Flores na hindi magtatagal ang ganitong sitwasyon lalo na’t umaabot pa rin sa 3,000 hanggang 4,000 ang tourist arrival sa Boracay bawat araw sa gitna nang pananalasa ng masamang panahon sa ibang rehiyon sa bansa.
Sa katunayan ay hindi nagpaawat sa pamamasyal sa white sand beach ng Boracay ang isa sa mga miyembro ng pinay girl group na BINI na si Maloi Ricarde.
Sa kasalukuyan ay nananatiling normal at walang kanselasyon ng mga byahe ng Roll-on, Roll-off (RoRo) vessel at iba pang barko mula sa Caticlan port patawid sa Batangas, Mindoro at Romblon port.