-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Napaiyak sa tuwa si Roslyn Vea Damasco, residente ng Bliss Village, Ilagan City, Isabela matapos malaman na siya ang nanguna sa Licensure Examination for Teachers (LET)- secondary level.

Siya ay nagtapos ng kursong education sa University of the Philippines-Diliman at birthday niya kahapon nang lumabas ang resulta ng LET kung saan siya ay number 1 sa rate na 93.40%.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Damasco na first year college pa lamang siya ay naging goal na niya ang maging topnotcher sa nasabing pagsusulit.

Katunayan ay nangolekta na agad siya ng mga libro at reviewer kaya labis siyang nagpapasalamat na natupad ang kanyang pangarap at panalangin.

Si Damasco ay nagtapos bilang valedictorian sa Ilagan East Central School at sa Isabela National High School sa City of Ilagan.

Habang hinihintay ang resulta ng board exam ay nag-part time tutor siya.

Kuwento pa ng LET topnotcher, may isang paaralan sa Metro Manila ang agad na nag-alok sa kanya ng trabaho matapos lumabas ang balita na siya ang nag-number 1.

Samantala sa elementary level, hindi kaagad naniwala ang topnotcher na si Rowena Solacito Bongolto.

Ayon kay Bongolto, 23-anyos na residente ng Barangay City Heights nitong lungsod, nagulat na lang siya nang marami na ang “nag-add” at “nag-follow” sa kanyang page na sinundan pa ng mga congratulatory message.

Aniya, kanyang target talaga ang maging number 1 sa pamamagitan ng labis na preparasyon at panalangin.

Dalawang taon siyang nagturo sa Shalom Crest Academy subalit ngayon ay virtual assiatant sa isa pang private school.

Huminto lamang siya sa pagtuturo matapos pinagtuunan ang pag-review sa loob ng dalawang buwan bago ang LET. (with reports from Bombo Radyo GenSan)