-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado sa darating na Lunes, Abril 12, patungkol sa umano’y “kickback” na nakukuha ng ilang pasaway na opisyal ng Department of Agriculture (DA) mula sa mga importer ng karneng baboy.

Kasunod ito ng pahayag ni Senador Panfilo Lacson na may mga opisyal ng DA ang sangkot sa “tongpats” scheme na nakakatanggap daw ng P5 hanggang P7 sa kada kilo ng imported na karneng baboy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nicanor Briones, ang vice president ng Pork Producers of Luzon, umaasa ito na mabibigyan na ng linaw ang isyu sa naturang pagdinig ng Senado.

Ito’y lalo pa’t tila laging pumapabor ang mga hakbang ni Agriculture Secretary William Dar sa mga importer kaysa sa mga local hog raisers.

Ibinigay na halimbawa ni Briones ang Executive order 128 na nagpababa sa taripa para sa mga imported pork products sa 15% mula sa dating 30%, at ang pagtaas sa minimum access volume hanggang sa 54,210 metric tons.

Kinuwestyon din nito ang paglalaan ng DA ng pondo para sa pagbili ng mga freezer na gagamitin ng importers imbes na tulungan ang mas nangangailangang mga hog raisers.

Mungkahi nito na bago ang mga mayayaman ng importers, ay mabigyan muna sana ng tulong ang mga magsasaka na siyang pinakanaapektuhan ng African swine fever outbreak sa bansa.