CEBU – Tinatayang aabot sa P1.7 million ang umanoy smuggled na mga gamot galing sa HongKong ang nakumpiska ng Bureau of Customs-Port of Cebu.
Ayon sa impormasyon mula sa ahensiya nasa 767 na kahina-hinalang mga kahon ang napansin ng kanilang mga tauhan sa Mactan subport na dumating noong a-dose nitong buwan sa Mactan Cebu International Airport.
Kaugnay nito, napag-alaman na misdeclared umano ang naturang mga package matapos isinailalim sa X-ray at physical examination na pinangunahan ni Customs Inspector Emmanuel Masbang at Customs Examiner Jee Ralf Sy.
Naka consign sa isang residente sa syudad ng Lapu-Lapu, Cebu ang naturang shipment na unang dineklarang pagkain ngunit lumabas na naglalaman pala ng iba’t ibang gamot at ibang pagkain na walang Certificate of Product Registration mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Naglabas na ng Warrant of Seizure and Detention ang Acting District Collector sa BoC-Cebu na si Atty. Charlito Martin Mendoza laban sa nasabing shipment.