-- Advertisements --

Muling sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng Thailand at Cambodia matapos maglunsad ang Thailand ng air strikes sa may disputed border nito sa Cambodia, ayon sa Thai military ngayong Lunes, Disyembre 8.

Ito ay matapos magbatuhan ng sisi ang parehong bansa ng paglabag sa ceasefire agreement na inareglo ni US President Donald Trump.

Sa isang statement, kinumpirma ng Thailand military na nasawi ang isang sundalong Thai at nasugatan ang apat pang katao sa pag-atake ng Cambodia sa dalawang lugar sa easternmost province ng Ubon Ratchathani.

Kaugnay nito, sinimulan na ng panig ng Thai ang paggamit ng aircraft para tamaan ang target nitong military ng Camboadia sa iba’t ibang lugar.

Sa panig naman ng Cambodia, sinabi ng defense ministry na ang Thai military umano ang naglunsad ng pag-atake madaling araw sa kanilang pwersa sa dalawang lokasyon kasunod ng ilang araw na mga probokasyon at hindi umano gumanti ang kanilang mga tropa.

Matatandaan, nauna ng sumiklab ngayong taon ang border dispute noong Hulyo, na kumitil sa 48 katao at nagpa-displaced sa 300,000 katao.

Natigil ang labanan noon matapos maging epektibo ang ceasefire deal na inareglo nina Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim at Trump, na kapwa sinaksihan ang paglagda sa expanded peace agreement sa pagitan ng dalawang bansa sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Oktubre.