Nagtipon sa kabisera ng Thailand na Bangkok nitong Sabado ang higit sa 17,000 na mga ralihista upang hilingin na magbitiw na sa kaniyang pwesto si Prime Minister Paetongtarn Shinawatra, na nagpapalala sa lagay ng ekonomiya ng naturang bansa dahil sa sigalot sa isang border dispute laban sakaratig-bansa nito na Cambodia.
Ayon kay Panthrep Pourpongpan, lider ng mga nagprotesta sa Bangkok, hinihiling nila ang pagbibitiw ni Shinawatra dahil wala umanong ibang nakikitang problema maliban sa kaniya bilang pinuno.
Ito ay matapos ang naging sagupaan sa pagitan ng Thailand at Cambodia hinggil sa pinag-aagawang bahagi ng teritoryo sa kanilang mga hangganan.
Agad na nanawagan ang mga grupong makabayan sa Thailand na magbitiw si Shinawatra matapos siyang tila pumuna sa isang kumander ng hukbong sandatahan ng Thailand at magpakumbaba kay dating lider ng Cambodia na si Hun Sen sa isang na-leak na tawag sa telepono.
Ipinagbabawal kasi sa Thailand ang pampublikong pamumuna sa militar dahil sa malakas na impluwensiya nito sa bansa.
Agad namang humingi ng paumanhin ang Punong Ministro sa kaniyang mga naging pahayag matapos na ma-leak sa publiko ang kanilang mga pinagusapan.
Sa ngayon, naniniwala ang mga mamamayan ng Thailand na minamanipula ni Hun Sen ang pamilya ni Shinawatra.