-- Advertisements --

Inakusahan ng Thailand army ang Cambodia ng pagbalag sa panibagong nilagdaang ceasefire agreement noong Sabado, Disyembre 27 matapos ang ilang linggong labanan sa kanilang borders na kumitil ng dose-dosenang katao at nagpa-displace sa mahigit isang milyong residente.

Sa isang statement, sinabi ng Thai army na nagpalipad umano ang Cambodia ng mahigit 250 unmanned aerial vehicles sa kanilang teritoryo noong gabi ng Linggo.

Ang mga aksiyong ito aniya ay probokasyon at paglabag sa mga hakbang na naglalayong pahupain ang tensiyon, alinsunod sa napagkasunduang Joint Statement.

Bunsod ng bagong mga alegasyon, nanganganib ang pagpapakawala sa mga sundalong Cambodian na hawak ng Thailand, na kabilang sa napagkasunduan kung mapapanatili sa loob ng 72 oras ang ceasefire mula nang ito ay maging epektibo.

Sa panig naman ng Cambodia, inilarawan lamang ni Foreign Minister Prak Sokhon ang drone incident bilang isang maliit na isyu may kaugnayan sa pagpapalipad ng drones na namataan ng parehong panig sa may border line.

Aniya, napag-usapan na ito ng dalawang panig at pumayag na imbestigahan at agad na resolbahin.

Subalit, iginiit ni Thai army spokesman Winthai Suvaree na ipinapakita ng drone activity ng Cambodia ang patuloy na probokasyon nito at malamig na ugnayan nito sa Thailand na nakakaapekto sa seguridad ng kanilang militar at mga sibilyang nasa border areas.

Samantala, sa pagtatapos ng dalawang araw na paguusap ng foreign minister ng Thailand at Cambodia na pinangunahan ng China nitong Lunes sa Yunnan province, nag-isyu ng statement ang 3 bansa na tinalakay ang mga hakbang para muling magkaroon ng political mutual trust, at mapabuti ang bilateral relations ng Cambodia at Thailand at mapanatili ang katatagan sa rehiyon.

Sinabi rin ng Cambodia na hinimok nito ang Thailand na sumama sa panibagong bilateral meeting sa Cambodia sa unang bahagi ng Enero sa susunod na taon para talakayin at ipagpatuloy ang survey at demarcation work sa border.