-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naniniwala ang dating kalihim ng Department of Health (DOH) na kinakailangan munang aprubahan ng World Health Organization (WHO) ang testing kits para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ito ay upang matiyak na walang anomalya o hindi sasablay ang nasabing testing kits na gawa ng University of the Philippines-National Institute of Health na maaaring makapagdulot ng mas malaking problema sa kalusugan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Iloilo Rep. Janette Garin, sinabi nito na tila nagmadali ang Food and Drugs Administration sa pagpapalabas ng Certificate of Exemption para sa mga testing kits dahil kulang ang suplay nito sa Pilipinas.

Ipinaliwanag nito na libre naman ang testing kits na mula sa WHO kung sakali mang kulang ang suplay ng mga ito sa iba’t ibang bansa na nangangailangan ng testing kits.