Inihayag ng Department of Justice na ang inilunsad na Training and Educational Program for DOJ Prosecutors and Law Enforcement Agents ay layong mas mapalakas ang tiwala ng publiko sa justice system ng bansa.
Ito mismo ang ibinahagi ng kagawaran kung saa’y nais rin umano nilang bigyan halaga ang pagpokus sa tiwala ng mamamayan sa pagsisilbi ng hustisya sa bansa.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres ang programang TEPLEA 2025 na sinimulan ngayong araw ay para mas mapalalim din ang kolaborasyon at ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang mga ahensya.
Aniya’y sa pamamagitan ng ganitong mga pagsasanay ng mga law enforcement agents at mga piskal ay maiibsan at mapagtatagumpayan ang mga hadlang para maisilbi ang hustisya sa bawat kasong hinahawakan.
Ang programa na Training and Educational Program for DOJ Prosecutors and Law Enforcement Agents ay alinsunod raw sa Department of Justice Circular #20.
Kung saan tinutukan na mas mapaunlad pa ang kaalaman ng mga law enforcement agents hinggil sa batas.
Lalo na ang kanilang kolaborasyon kasama ang mga ‘prosecutors’ pagdating sa ‘case buildup’ at masusing pag-iimbestiga.