-- Advertisements --

Nilinaw ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na may obligasyon pa rin ang gobyerno na gumastos para sa pag mantene sa mga EDCA sites sa bansa.

Ito ang inihayag ni Teodoro sa pagharap nito sa budget deliberation ng ahensiya sa Committee on Appropriations.

Nasa mahigit P299 billion ang panukalang pondo ng DND para sa fiscal year 2024.

Sa pagtatanong ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kung bakit kailangan pa gumastos ng gobyerno sa mga EDCA sites.

Tugon naman ni Secretary Teodoro, hindi sagot ng Amerika ang lahat ng gastos sa mga EDCA sites.

Sinabi ng Kalihim may kailangan din bayaran gaya ng kuryente at iba pang pangangailangan ng mga nasabing military base kaya kailangan nila ng pondo.

Sa kasalukuyan mayruong limang EDCA sites ang existing, ito ay ang mga sumusunod: Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City.

Nuong buwan ng Abril, inanunsiyo ang dagdag na apat na EDCA sites ito ay sa Balabac Island sa Palawan, Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan at Naval Base Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan.

Inihayag ni Teodoro na walang presensiya ng mga US troops sa nasabing mga EDCA sites.

Samantala, itinanggi ni Sec Teodoro na nanghihimasok ang Amerika sa budget ng defense department.

Sinabi ng Kalihim hindi sila kumokonsulta sa Amerika sa pagpaplano ng budget hinggil sa Bilateral Security Guidelines sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon kay Teodoro capability upgrade ang hiling nila sa US at walang kinalaman dito ang budget ng ahensiya.

Nakatakdang rebyuhin ng Defense Department ang bilateral security guidelines bagama’t nakasaad na limang taon ang assistance ng US sa pagpapalakas ng defense capabilities ng Pilipinas at tutulong sa pagtukoy ng priority projects.

Inihayag ni Teodoro na malaki ang kailangang gastusin sa pag-upgrade ng national defense capabilities lalo’t naghahabol na ang Pilipinas sa defense spending na ilang taon ding hindi natutukan.