-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Upang maiwasan ang paglabas at pagtungo ng mga tao sa pagamutan ay gumagamit ng tele medicine ang City Health Office 1 sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Bernadynn Reyes ng City Health Office 1 kanyang inihayag na sa pamamagitan ng Tele Medicine ay masusuri ang kalagayan ng isang pasyente.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato ng maysakit saka ipadala ito sa doctor sa pamamagitan ng cellphone na kanilang susuriin at mapayuhan kung ano ang mga kinakailangang gawin at lunas.

Sa pamamagitan anya nito ay mas makakagaan sa bahagi ng mga mamamayan dahil sa pamamagitan ng mga ipinadalang litrato ng pasyante ay maari ng malaman kaagad kung ano ang maaring panggamot.

Sa kabila na magiging mahirap ito sa kanilang parte ay ginagawa nila ito upang makatulong sa mga nagpapakonsulta.

Samantala, mga karaniwang sakit ang karamihang naitatala ng Cauayan City Health Office 1 sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Inihayag pa ni Dr. Reyes sinabi niya na karaniwang ubo, sipon at lagnat lamang ang naitatalang sakit sa naturang pagamutan.

Anya, kung ikukumpara ang bilang ng mga taong nagpapakonsulta sa kanilng kalagayan sa naturang pagamutan ay hindi hamak na mas bumaba ang bilang ngayong sumasailalim ang lungsod sa modified general community quarantine.

Gayunman ay kinakailangan pa ring sundin ang tamang pag-aalaga sa katawan katulad na lamang ng pagkain ng mga gulay, o masustansiyang pagkain at tamang paglilinis sa katawan.

Sinabi pa ni Dr. Reyes na mas nakabubuti rin ang paghuhugas ng kamay kaysa sa paggamit ng alcohol.