Lalo pang nadagdagan ang pagdududa sa pagkabasa ng mga dokumento ng Philhealth sa Ilocos Regional Office sa Dagupan City.
Base raw kasi sa natanggap ni Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra na report mula sa National Bureau of Investigation (NBI), nabusalan o nalagyan ng tela ang entrada o bukana ng tubo ng rain gutter kaya ito nagbara.
Ito raw ang dahilan kung bakit nagkaroon ng leak ang bubong ng gusali ng Philhealth na siyang dahilan na nabasa ang ilang dokumento at computer hardware.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kanina kay Atty. Mary Grace Padapat Attorney IV ng PhilHealth Regional Office 1, sinabi nitong hindi naman daw naapektuhan ang mga mahahalagang dokumento sa opisina.
Pero sa inisyal na imbestigasyon ng NBI at base sa mga kumakalat na video, malakas ang leak ng bubong ng Philhealth office at kita rin ang tubig na nasa sahig ng gusali.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng NBI kung may mga apektadong hardware na magagamit para sa tiwaling opisyal ng ahensiya.
Nangako ang NBI na isasalba nila ang mga dokumentong kaya pa nilang isalba sa kabila ng pagkakabasa ng mga ito.