-- Advertisements --

Pursigido umano si Pangulong Rodrigo Duterte na matanggal na ang mga examiner sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at brokers sa Bureau of Customs (BOC) na pangunahing ugat daw ng korupsyon sa mga naturang ahensya.

Sa press briefing kagabi, sinabi ni Pangulong Duterte na kung wala na ang mga examiner at brokers, mababawasan ng mahigit 80 porsiyento ang korupsyon sa bansa.

Ayon kay Pangulong Duterte, kapag nagbayad ng buwis, sa gross income at hindi na sa net income ibabatay ang babayarang buwis para hindi na kailangan ng examiner na siyang gumagawa ng hokus-pokus at aregluhan kapalit ng mas mababang buwis na ibibigay sa BIR.

Sa panig naman ng BOC, hindi na kailangan ang serbisyo ng broker para makapag-angkat sa ibang bansa dahil mismong ang kompanya o importer na ang magpoproseso ng importasyon.

Ang gagawin lamang aniya ng kompanya ay kukuha ng accreditation sa BOC para sa magiging kinatawan at hindi na dadaan sa brokerage na dahilan ng korupsyon.

Inihayag din ni Pangulong Duterte na hindi na kailangan ng batas para mawala na ang mga examiner at broker dahil siya na mismo ang nag-uutos nito.

“Alam mo ganito ang… You want media to help this country. Alam mo maski sino tanungin niyo. Ma-CPA, ma-abogado, sabihin lang ninyo, you clamor, huwag na sa neto. Sa BIR, gross. ‘Pag gross, wala na. ‘Yang mga examiner, wala ng trabaho ‘yan,” ani Pangulong Duterte.

“Second, itong sa Customs, ang gusto ko, wala ng brokers. Pagka may brokers, may corruption talaga ‘yan. Ngayon, sinasabi ko, sabihin mo sa Pilipino, kung gusto talaga nila walang corruption, tanggalin na natin ‘yan mga ano gross, wala ng examiner sa Customs, wala ng brokers.”